Naniniwala si Interior Secretary Eduardo Año na kahit hindi na raw maghain ng apela ang executive officials sa desisyon ng Supreme Court (SC) na ideklarang unconstitutional ang dalawang bahagi ng Anti Terrorism Act (ATA) of 2020.
Paliwanang ni Año kumbinsido na raw ito sa desisyon ng Korte Suprema na ideklarang constitutional ang buong batas maliban na lamang sa tinawag nitong dalawang “minimal items.”
Pero sa tingin umano ng kalihim ay kailangan pang magpulong ang Anti-Terrorism Council sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea para pag-uusapan ang naturang isyu.
Pero sa tingin daw ni Año hindi na kailangang iapela sapagkat kuntento na raw sila sa ruling ng kataas-taasang hukuman.
Kung maalala, idineklara ng SC na unconstitutional ang Section 4 ng naturang batas dahil sa pagiging “overboard” o malawak at paglabag daw ito sa freedom of expression.
Aminado rito ni Año na unconstitutional ang naturang probisyon dahil sa paglabag sa kalayaan sa pamamahayag kaya naman puwedeng-puwede raw magsagawa ng rally, pwedeng magsalita nang kahit ano sa isang tao.
Ang naturang aksiyon daw ay hindi magdudulot ng injury o pinsala sa ibang tao.
Dahil din umano sa idineklarang unconstitutional na item ay ito ang magdedetermina sa mas malinaw na pagkilala sa pagitan ng mga aktibista at terorista.
Kapag nagsagawa raw ang mga aktibista ng kilos protesta, demonstrasyon at pag-boycott sa mga trabaho at wala namang naging problema ay hindi maaakusahan ang isang aktibistang terorista.
Noong Disyembre 8 nang inilabas ng SC ang desisyon na nagpapatibay sa RA 11479 o Anti Terror Act of 2020.
Sa inilabas na abiso ng Supreme Court en banc, 12-3 ang resulta ng botohan para ideklarang labag sa batas ang Section 4 tumutukoy sa Terorismo.
Samantala sa botong 9-6 naman ay idineklara ring unconstitutional ang Section 25 o ang Designation of Terrorist Individual, Groups of Persons, Organization or Associations.
Hindi naman idineklarang unconstitutional ang karamihan sa mga inihihirit ng mga petitioners na ideklarang unconstitutional ang Section 29 o ang Detention Without Judicial Warrant of Arrest.
Kung maalala, nasa 37 petisyon ang inihain sa Supreme Court (SC) ng iba’t ibang grupo para kuwestiyun ang ligalidad ng naturang batas.
Karamihan sa mga petitioners ay naghain noon ng petition for certiorari and prohibition para hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng Status Quo Ante Order o Temporary Restraining Order laban sa Anti-Terrorism Law.
Respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Sec. Salvador Medialdea, Senate President Tito Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano.