-- Advertisements --
image 626

Mamimigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong linggo ng cash assistance sa mga sari-sari store owners na nagbebenta ng retail o tinging bigas na apektado ng pagpapatupad ng mandated price cap sa regular at well-milled rice.

Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office na batay sa ulat ng DSWD sa Office of the President, nakatakdang mamigay ang ahensiya ng cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store mula ngayong araw ng Lunes, Setyembre 25 hanggang 29.

Nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Trade and Industry para matukoy ang mga benepisyaryo.

Noong nakaraang linggo, inihayag ng DSWD na ang mga sari-sari store sa labas ng mga pampublikong palengke at wet markets na nagbebenta ng bigas ay kwalipikado para sa P5,000 na sustainable livelihood program (SLP) subsidy.

Sa kabilang banda, ang mga nagtitingi ng bigas sa mga wet market, pampublikong pamilihan at iba pang lugar na mabibilhan ng publiko ay may karapatan sa SLP cash assistance na nagkakahalaga ng P15,000.

Una rito, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mandatong P41 kada kilo na price ceiling sa regular milled rice at P45 kada kilong price cap sa well-milled rice sa bisa ng Executive Order No. 39.

Batay sa pinakahuling ulat nito, sinabi ng DSWD na nakapaglabas na sila ng P92.415 milyon na halaga ng tulong pinansyal sa 6,161 mula sa 8,390 target na micro at small rice retailers na apektado ng price cap.