-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng assessment ang pamahalaan sa pinsala dulot ng tumamang magnitude 7.4 na lindol sa coastal town ng Hinatuan, Surigao del Sur noong Sabado.

Patuloy ding inaalam ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.

Sa isang statement, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aktibong nakikipagtulungan ang Department of Social Welfare and Development at Department of the Interior and Local Government katuwang ang mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng essential aid para sa mga nangangailangan.

Ayon sa 2 ahensiya, inaasikaso na ang pagbibigay ng medical assistance at essential aid para sa mahigit 236, 000 katao na apektado ng lindol.

Ayon naman kay Social Welfare Ass. Secretary Romel Lopez na nagdeploy na sila ng mga pangkat sa Caraga region para umasiste sa mga lugar na matinding tinamaan ng lindol.

Nakatakda ding magtungo si social Welfare Sec. Rex gatchalian sa Surigao del Sur ngayong araw ng Lunes para bisitahin ang mga apektadong pamilya.

Base sa kanilang inisyal na assessment, aabot sa 56,634 pamilya na ang apektado mula sa 156 barangay sa caraga region.

Kung saan 8,703 pamilya ang pansamantalang nasa mga evacuation centers sa rehiyon.

Sinabi din ni Pang. marcos na masigasig na nagsasagawa na rin ng assessment ang Department of Public Works and highways ang pinsala sa imprastruktura sa Caraga region kaagapay ang Office of the Civil defense at national disaster risk reduction and management council.