Nagawa ng dalawang barko ng Phil Navy at isang Air Force plane na makapag-deliver ng mga Christmas package sa mga tropa ng pamahalaan, mga mangingisda, at mga residente sa mga isla sa West Phil Sea.
Sinimulan ng grupo ang pagbibigay ng mga regalo noong Disyembre-11 at tumagal hanggang Disyembre-18.
Ayon kay AFP Western Command Spox Ariel Coloma, ang mga dinalang regalo ay ibinigay ng ibat ibang mga organisasyon.
Sa kabuuan ng gift-giving, wala aniyang harassment na nangyari mula sa panig ng China.
Kabilang sa mga naibigay na regalo ay kalahating tonelada ng mga pagkain sa siyam na isla/teritoryong binabantayan ng Pilipinas sa WPS. Maliban dito, nagbigay din ang pamahalaan ng mga noche buena items, bigas, soya, and chicken meals, atbpa.
Kabilang sa mga barkong nakapagdala ng mga naturang supplies ay ang BRP Jose Rizal at BRP del Pilar. Naglayag ang mga ito sa Ayungin Shoal, Rizal Reef, at mga isla Kota, Lawak, Likas, Panatag, Parola, and Patag.
Habang ang c-295 aircraft naman ng PAF ang nagdala ng Christmas packs sa mga tropa ng pamahalaan na naka-istasyon sa Pag-asa Island. Kabilang din sa mga naibigay ay ang mga supplies mula sa Atin Ito coalition.
Ang naturnag grupo ay ang kauna-unahang civilian convoy na magdadala sana ng mga supplies at regalo sa mga tropa ng pamahalaan at mga mangingisda sa WPS noong unang bahagi ng Disyembre ngunit hindi natuloy matapos silang buntutan ng China.
Ayon pa rin kay Coloma, hindi na sila sinamahan ng mga civilian convoy sa ginawang pagdeliver ng mga regalo.