Binigyan ngayon ng Supreme Court (SC) ng hanggang June 13 para magkomento ang mga respondents sa alegasyon ng mga grupo laban sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na umano’y nanggigipit at nag-uugnay sa mga human rights groups na sila ay kasapi ng makakaliwang grupo.
Kasunod na rin ito ng pagpalabas ng Korte Suprema ng Writ of Amparo at Habeas Data para sa mga petitioners.
Sa anim na pahinang notice ng SC en banc, iginawad umano ang hirit na Writ of Amparo at Habeas Data pabor sa Karapatan Alliance Philippines, Inc., Rural Missionaries of the Philippines Inc at General Assembly of Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership and Action (GABRIELA) Inc.
Kasama sa mga respondents sina Pangulong Rodrigo Duterte, Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr, Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director Gen. Alex Paul Monteagudo, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Benjamin Madrigal at iba pang matatataas na opisyal ng AFP.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng SC ang presiding justice ng Court of Appeals (CA) para maisagawa sa lalong madaling panahon ang pag-raffle sa petisyon ng mga abogado.
Inatasan din na madinig ng CA ang petisyon sa June 18, 2019 at maglabas ng desisyon sa loob ng 10 araw matapos na masumite ang kaso para desisyunan.
Matatandaang una nang nagawaran ng Writ of Habeas Corpus at Habeas Data ang grupo ng mga abogadong kasapi ng anational Union of Peoples Lawyers (NUPL) matapos magpasaklolo sa SC dahil din sa kahalintulad na reklamo sa mga matataas na opsiyal ng pamahalaaan.
Ito’y matapos na makaranas na umano ng pagbabanta ang mga ito mula sa mga sundalo at maiugnay pa na kasapi ng New People’s Army (NPA).