-- Advertisements --

Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na tinitingnan ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbibigay ng ilang dosis ng bakuna para sa COVID-19 sa Myanmar, Cambodia, at ilang mga bansa sa Africa, dahil “stable” ang kasalukuyang suplay ng bansa.

Sinabi ni Duque na ang stockpile ng bakuna sa bansa ay patuloy na tumaas mula noong Oktubre 2021, at ilang mga dosis ay malapit nang mag-expire kung kaya ay nagpasya ang gobyerno na mamigay ng mga supply sa mga bansang may mababang saklaw ng pagbabakuna.

Idinagdag ng kalihim na maganda ang nasabing layunin para makatulong din sa ibang bansa na namamayagpag pa din ang COVID-19 pero ang suplay ng bakuna ay kulang na kulang.

Sinabi rin nito na pinalawig ng AstraZeneca sa tatlong buwan ang shelf life ng mga malapit-expire na dosis ng bakuna nito, ngunit napapailalim sa pag-apruba ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).

Gayunman, ipinunto niya na ang AstraZeneca vaccine doses na malapit nang mag-expire ay mananatili sa Pilipinas at hindi na ido-donate sakaling aprubahan ng FDA ang extension ng kanilang shelf life.

Napag-alaman na hindi bababa sa 1.8 milyon pang Pilipino ang target na makatanggap ng anti-COVID primary at booster doses sa tatlong araw na Bayanihan, Bakunahan 4 na nagsimula noong Huwebes.

Nauna nang binanggit ni Duque na nasa 71% ng target na populasyon ng bansa na 90 milyon ang fully vaccinated laban sa COVID-19.