Sasagutin ng pamahalaan ang taunang 5% interest subsidy para sa mga benepisyaryo ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o programang murang pabahay sa loob ng 10 taon.
Ginawa ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Undersecretary Garry De Guzman ang naturang pahayag sa isinagawang deliberasyon sa panukalang pondo ng ahensiya para sa 2024 matapos na magpahayag ng pagkabahala si House appropriations panel vice chairperson Stella Quimbo kaugnay sa plano ng pamahalaan na magbigay ng interest subsidy.
Kung saan nangangailangan ng malaking halaga ng pera o P1.5 billion na halaga ng interest subsidy kada taon para lamang sa 50,000 housing units ng programa.
Subalit ang target ng pamahalaan na maitatag na murang housing units kada taon ay nasa 1 million.
Paliwanag naman ng housing department official na kanila itong pinag-aaralan at sa palagay din ng opisyal na hindi na marahil aabutin pa ng 30 taon ang pagbibigay ng pamahalaan ng interest subsidy sa pagtayang uunlad ang pamumuhay ng mga benepisyaryo kaakibat ng pagtaas ng kanilang sahod at halaga ng property.
Base din aniya sa pag-aaral ng ahensiya, lumalabas na marahil ay aabutin ng 10 taon bago kailangang tumaas ang interes.
Subalit iginiit ng mambabatas na isang mabigat na pasanin para sa gobyerno ang P1.5 billion pondo para sa interest subsidy na sumasaklaw sa 50,000 housing units na kakailanganin aniya sa mga susunod pang taon.
Sa ilalim kasi ng pabahay program, ang bawat housing units ay nagkakahalaga ng P1.2 million kung saan nasa P400,000 lamang ang babayaran ng benepisyaryo sa state-run Home Development Mutual Fund sa loob ng 30 taon na taunang 6% interes. Subalit 1% interest na lamang ang babayaran ng benepisyaryo o tenant dahil ang nalalabing 5% ay subsidized ng pamahalaan.
Matatandaan, sa naging talumpati ni PBBM sa groundbreaking ng Pambansang Pabahay program sa QC, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na isama ang housing interest support bilang parte ng regular General Appropriations para sa susunod na taon.
Ito din ay bilang pagtupad niya sa kaniyang naging pangako noong kampaniya na mabigyan ng pabahay ang mga mahihirap na Pilipino.