Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ginagawan na ng paraan ng pamahalaan para masolusyunan ang problema sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa Palawan.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng presidential asssistance sa Puerto Princesa, sinabi ng Pangulo na may ginagawa nang mga hakbang ang pamahalaan para matugunan ang problema.
Partikular na binanggit nito ang Maharlika Investment Corp., National Electrification Administration at Palawan Electric Cooperative na nagsasagawa ng pag-aaral para mapabuti ang supply ng kuryente sa lalawigan.
Bagama’t hindi idinetalye, umaasa si Pang. Marcos na magkakaroon ng positibong bunga sa mga kasunduang pinapasok ng naturang mga ahensya.
Una rito, inanunsyo ni Maharlika Investment Corporation President and CEO Rafael Consing Jr. na mamumuhunan sila sa renewable energy lalo na sa transmission lines sa island provinces kung saan ang maliliit na kooperatiba ay hindi pa nakakabit sa main grid.
Ito’y para matulungan ang mga lugar na ito na magkaroon ng sapat na supply ng kuryente at mapababa ang presyo nito.