CAUAYAN CITY – Ipinagbawal muna ang magpapalabas at magpapasok ng baboy sa Angandanan, Isabela matapos makapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joelle Mathea Panganiban, sinabi niya na dahil muli silang nakapagtala ng kaso ng ASF ay naglatag na sila ng mga ASF checkpoints sa mga barangay upang maiwasan ang pagpasok at paglabas ng mga baboy.
Napulong na rin nila ang mga barangay officials na magbantay sa kani-kanilang nasasakupan upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.
Aniya, binigyan muli sila ng listahan ng mga sintomas ng nasabing sakit at mag-iikot din sila sa kanilang mga kabarangay para sa information dissemination.
Ayon pa kay Mayor Panganiban, ang Barangay Campanario at Barangcuag ang opisyal na may naitalang kaso ng ASF matapos magpositibo ang mga specimen na isinailalim sa testing ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Ang barangay Campanario ay dinadaanan ng mga patungo sa San Guillermo, Isabela habang ang Barangcuag ay malapit naman sa Alicia, Isabela kaya kailangan ng paghihigpit upang hindi kumalat ang virus sa ibang lugar.
Nakapagbigay na rin sila ng pang-spray sa lahat ng barangay at kung sakali mang kulang ang mga naibigay ay magtungo lamang sa kanilang tanggapan at sa Municipal Agriculture Office.
Maliban sa dalawang barangay ay may mga namatay ding baboy sa Barangay Calaccab at hindi pa ito naba-validate dahil ipinadala pa lamang ang specimen ng mga ito para sa testing.
Ayon kay Mayor Panganiban may suplay naman ng karne ng baboy sa kanilang bayan dahil hanggang sa loob lamang ng Angadanan muna iikot ang suplay ng karne ng baboy hanggang mapuksa ang virus.