CEBU CITY – Handang-handa at all systems go na ang Pamahalaang lungsod ng Cebu sa nalalapit na Palarong Pambansa 2024 sa darating na Hulyo.
Ibinunyag ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na ang lungsod ay ganap nang handa at nasasabik na salubungin ang mga atleta, opisyal, at bisita para sa naturang sporting event matapos ang ilang buwang masusing pagpaplano at pagpapahusay sa mga imprastraktura.
Sinabi pa ni Acting Mayor Garcia na dahil sa inaasahang 15,000 hanggang 20,000 na mga atleta at bisita para dumalo sa iba’t ibang kompetisyon ay kailangan ding higpitan ang seguridad para maging komportable at ligtas ang kapaligiran ng mga ito.
Kahapon nga, Hunyo 29, ay sinimulan nang ideploy ang mahigit isang libong security personnel mula sa iba’t ibang ahensya upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang pinakaaabangang national sporting event.
Ito’y kinabibilangan ng Philippine National Police (PNP), Coast Guard, Armed Forces of the Philippines (AFP), Task Force Kasaligan, auxiliary forces, disaster office, at mga tauhan ng Cebu City Transportation Office (CCTO).
Nanawagan naman ng pagkakaisa ang opisyal upang maging matagumpay ang paghost ng event.
Samantala, inanunsyo naman ni Cebu City Assistant Schools Division Superintendent Adolf Aguilar na ang Palarong Pambansa 2024 ay free admission sa lahat ng mga venues o walang kokolektahing bayad sa mga playing venues ngunit subject pa umano sa ilang limitasyon.