-- Advertisements --

Pamahalaang lungsod ng Cebu, magpapaabot ng kabuuang P7M cash assistance sa mga bayan at lungsod ng Negros Island na apektado ng pagputok ng bulkang Kanlaon

CEBU CITY – Aabot sa kabuuang P7 million pesos cash assistance ang ipapaabot na tulong ng Pamahalaang lungsod ng Cebu sa mga lugar sa isla ng Negros na apektado ng pagputok ng bulkang Kanlaon.

Sa naturang halaga, P2 million pesos ang inilaan para sa Canlaon City sa Negros Oriental at tig-iisang milyong piso naman sa mga bayan at lungsod ng Negros Occidental na La Castellana, Bago, Moises Padilla, La Carlotta at Pontevedra.

Inihayag ni Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na pinirmahan at inaprubahan na nito ang rekomendasyon ng local disaster at ipinasa na sa konseho ng lungsod para sa pagtalakay at pag-apruba nito.

Sinabi pa ng opisyal na maaaring tumaas o bumaba ang cash assistance na ito depende umano sa konseho ng lungsod.

Inatasan naman nito ang konseho na magsagawa ng special session at umaasang maaprubahan ng mas maaga upang maihatid na niya ito ng personal sa isla ngayong weekend.

Bukod sa cash assistance, may naka-standby na rin aniyang team mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office sakaling kailanganin ng isla ang tulong.

Binigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng pagpapaabot ng tulong sa panahon ng kalamidad lalo na’t kalapit na lugar lang ang isla ng Negros.