Bagama’t walang kumpirmado o suspected cases ng Mpox o monkeypox na naiulat nitong lungsod ng Cebu sa kasalukuyan, pinagtibay ng lokal na pamahalaan ang paghahanda upang maprotektahan ang nasasakupan laban sa sakit.
Inihayag ni City Health Department head Dr. Daisy Villa na nag-organisa ang lungsod ng isang inter-department task force upang makabuo at magpatupad ng mga hakbang sa oras na makapasok ang mpox.
Sinabi ni Villa na ang task force ay magpapatupad ng mga hakbang kagaya noong panahon ng pandemya.
Sa kanilang panig, inihanda na rin ang lahat ng mga barangay health centers at mga tauhan nito para sa posibilidad na pagtanggap ng mga kaso ng mpox.
Idinagdag pa nito na isinaaktibo din ng Lungsod City Quarantine Center sa North Reclamation Area bilang posibleng isolation facility para sa mga suspected at kumpirmadong kaso ng Mpox.
Nanawagan naman ito sa publiko na maging mapagbantay at ugaliin ang paghuhugas ng kamay, pagdidisimpekta, at pagsusuot ng face mask upang maiwasan mahawaan at kumalat ang Mpox.