Naglabas na ngayong araw, Setyembre 2, ang Pamahalaang lungsod ng Lapu-Lapu ng cease and desist order laban sa isang hotel sa Barangay Agus na ni-raid dahil sa pagpapatakbo ng umano’y ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub.
Una nang na-rescue ng mga otoridad sa operasyong pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang hindi bababa sa 160 na mga dayuhan.
Ang misyon sana ay iligtas ang 14 na Indonesian nationals ngunit natagpuan pang ginamit ito sa operasyon sa POGO kung saan may mga natagpuan ring mga computer at iba pang kagamitan.
Inihayag ni Lapu-lapu City Mayor Junard Ahong Chan na dahil ginamit ang gusali sa iligal na aktibidad ay ipapasara nito ang buong compound ng hotel.
Napag-alaman pa na karamihan sa mga dayuhan na kinabibilangan ng Chinese, Indonesian at Burmese, kasama ang limang Pilipino na nagsilbing manager, ay lumipat sa lungsod matapos makatakas sa raid sa isang POGO hub sa Pampanga.
Batay pa sa kontrata, wala pa umanong isang buwan ang operasyon ng mga ito sa lungsod.
Ibinunyag pa ni Chan na may mga barangay pa sa lungsod na hindi na niya pinangalanan ang isinailalim sa monitoring dahil sa posibleng pagkakaroon ng operasyon sa POGO.
Paglilinaw pa ng opisyal na inanunsyo niya nung una na walang nag-ooperate na POGO sa kanilang lungsod dahil hindi rin naman umano sila nakapag-isyu ng permit.
Isinusulong naman nito ng pagbuo ng composite team sa lungsod o sa Cebu para mapadali ang paghabol sa mga nasa likod ng ganitong ilegal na operasyon.