-- Advertisements --

Dumepensa ang pamahalaang lungsod ng Makati sa naging alegasyon ng pamunuan ng Berjaya Hotel kaugnay sa naging pagpapasara dito kahapon.

Ito ay kasunod ng inilabas na pahayag ng pamunuan ng nasabing hotel na hindi umano dumaan sa due process ang naging pagpapasara dito ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Makati.

Sinabi ni Atty. Don Camiña, ang legal officer at spokesman ng pamahalaang lungsod, na wala nang kaparatang mag-operate ang nasabing hotel dahil wala na itong DOT accreditation.

Nakasaad kasi aniya sa notice na kanilang natanggap mula sa Department of Tourism (DOT) na immediately revoked na ang kanilang akreditasyon dito at magtatagal ang suspensyon nito sa loob ng tatlong buwan.

Paglilinaw ni Camiña, mananatili ang karapatan ng nasabing hotel na umapela at magpaliwanag sa loob ng 15-day period na ipinagkaloob sa kanila ng kagawaran, ngunit ang implementasyon aniya ng closure order dito ay agad na ipapatupad maliban na lamang kung makakatanggap sila ng kautusan mula sa DOT na nagsasabing hindi muna ito ipapatupad.

Batay din kasi aniya sa batas na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF), tanging mga hotel na may akreditasyon ng DOT lamang ang papayagang makapag-operate ngayon na sinusunod lang din aniya ng lokal na pamahalaan.

Ayon pa kay Camiña, dapat ay makipag-ugnayan ang Berjaya Hotel sa Bureau of Quarantine upang matulungan ito na mailipat sa ibang hotel ang mga guest na kasalukuyang naka-quarantine dito.

Dapat rin aniya na mailipit na ang mga ito ngayong araw dahil ngayong araw din nakatakdang ikandado ang naturang hotel.

Samantala, sinabi rin ni Camiña na bukod pa sa Republic Act 11332 ay mayroon din silang ordinansa laban kay Poblacion Girl tulad ng criminal offense o violation.