CENTRAL MINDANAO- Para masiguro ang kaligtasan ng bawat empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato, mas hinigpitan pa ngayon ang safety and health protocols sa pagpasok ng Provincial Capitol Compound.
Ito ay matapos isa sa empleyado at frontliner nito ang nagpositibo sa COVID-19 virus dahil sa pagkakalantad nito sa isang locally stranded individual (LSIs) na nagpositibo rin sa nasabing karamdaman.
Naglabas ng direktiba si Governor Nancy Catamco sa mga department heads ng kapitolyo na magpatupad ng mas striktong health protocols lalo na sa pagpasok sa mga opisina upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Bilang aksyon naglagay ng dalawang lavatory o lababo sa entrance ng capitol main building kung saan lahat ng empleyado at may transaksyon sa loob ng kapitolyo ay kailangang dumaan dito bago kukunan ng temperatura at personal na detalye sa pamamagitan ng logbook.
Nag implementa rin ng one entrance, one exit policy ang kapitolyo upang mamonitor ang paglabas at pagpasok ng mga tao.
Nilimitahan rin ang pagpasok ng mga taong may transaksyon sa loob ng mga opisina sa halip ay naglagay ng mga personahe sa labas ng mga tanggapan na siyang tatanggap at magpoproseso ng mga kailangan ng mga kliyente.
Nagsagawa rin ng COVID-19 lgG/lgM rapid testing sa mga piling empleyado ng kapitolyo at miyembro ng Task Force Sagip Stranded ang COVID-19 Provincial Inter Agency Task Force upang masigurong hindi kakalat ang virus kung meron mang infected nito.
Sumailalim na rin sa health and quarantine protocols ang ilang indibidwal na merong history of exposure sa twenty years old frontliner na nagpositibo sa COVID.
Noong nakaraang Lunes at Martes nagsagawa rin ng disinfection sa iba’t-ibang opisina ng Provincial Capitol upang masiguro ang kaligtasan ng bawat empleyado na nagsisilbi ring frontliners ngayong nakakaranas ng pandemya ang buong mundo.
Nanawagan ngayon si Governor Nancy A. Catamco kasama ang opisyales at empleyado ng pamahalaang panlalawigan na maging maingat sa pamamagitan ng palagiang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, tamang pag obserba ng pisikal na distansya, pag-iwas sa matataong lugar at pananatili sa loob bahay kung wala namang importanteng transaksyon sa labas.