CAUAYAN CITY – Pag-aaralan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagdedeklara ng State of Calamity dahil sa mga pinsalang iniwan ng Bagyong Egay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Manuel Mamba, sinabi niya na patuloy ang monitoring nila sa mga lugar na apektado ng Bagyong Egay partikular sa silangang bahagi ng Cagayan.
Binabantayan nila ngayon ang mga pananim maging ang pinsala sa live stocks.
Una na ring nasuspinde ang mga kalase pero tiniyak niyang magpapatuloy ang pagtratrabaho ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nanatili naman sa evacuation center ang marami pang apektadong pamilya na umabot sa labing limang libong indibiduwal.
Inaasahan pang tataas ang bilang na ito dahil sa naitalang swelling ng ilog Cagayan habang nanatiling sarado ang mga overflow bridges.
Binabatayan na rin ngayon ang mga water tributaries partikular ang Chico River na kasalukuyang nasa critical level.