CENTRAL MINDANAO-Patuloy na isinasagawa ang mental health advocacy ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa iba’t ibang bayan bilang buwanang programa para sa kalusugang pangkaisipan.
Ayon kay Non-Communicable Disease (NCD) Provincial Coordinator Karen Jae Cabrillos, sinimulan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang serye ng check-ups para sa kasalukuyang buwan nitong Martes September 6, 2022 sa lungsod ng Kidapawan kung saan 37 pasyente ang binigyan ng libreng konsultasyon at medisina.
Dagdag pa ni Cabrillos, na sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office ( IPHO), ang mental health mission team na naglilibot sa mga bayan ay binubuo ng psychiatrist, psychometrician, nurses at ilang allied health professionals.
Nakatanggap din ng kaparehong serbisyo nitong September 7&8, 2022 ang bayan ng Libungan (19) at Pigcawayan (37) kung saan 53 na mga pasyente mula sa naturang mga bayan ang sumailalim sa libreng konsultasyon at medisina.
Layunin ng nasabing aktibidad na matutukan ang kalusugang pangkaisipan ng mga mamamayan ng probinsiya at maisulong ang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng mental health.
Noong buwan ng Agosto, abot naman sa 95 mga indibidwal mula sa bayan ng Antipas, Arakan at Kabacan ang nakinabang sa naturang programa ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kasalukuyan ginagawa ang kaparehong programa sa Aleosan, Cotabato ngayong araw September 9, 2022 na pinangungunahan ng IPHO kasama ang mga local partners nito.