CAUAYAN CITY – Bibili ng aning palay ng mga magsasaka ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa halagang P25 bawat kilo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Public Information Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sinabi niya na bilang suporta sa mga magsasaka, lalo na ang mga may mga lupain na dalawang ektarya pababa at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ay maaaring magbenta ng kanilang aning palay sa pamahalaan.
Ang presyo ng pamahalaang panlalawigan sa tuyong palay ay nasa P25 bawat kilo at P23 ang prevailing price habang ang dinagdag na P2 ay suporta sa mga magsasaka.
Ang buying station ngayon ng Pamahalaang Pamahalaan ay ang rice complex sa Ipil, Echague, Isabela ngunit pinag-aaralan na ang isang stabilized buying station.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa NFA upang hiramin ang mga walang lamang bodega para dito sila bumili ng palay.
Sa mga magsasakang hindi nakasama sa RSBSA Masterlist, maaaring kumuha ng certification sa kanilang mga Municipal Agriculture Offices (MAO) na nagsasaad na sila ay kasama sa grupo ng marginalized farmers.
Nilinaw ni Atty. Binag na hindi ito mapupunta sa NFA kundi diretso sa pamahalaang panlalawigan.
Inihayag din niya na maaaring gamitin ng mga magsasaka ang mga sasakyan ng barangay upang makapagbenta ng palay sa kanila.