Bilang pagsuporta at pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangangailangan ng mga kababayang nagbalik-loob sa pamahalaan, inilunsad ni Gobernor Doktora Helen Tan ang BALIKATAN Village o BAhay at Lingap sa mga KAbabayang Tumugon At Nagbalik-loob sa Pamahalaan, sa Brgy. Pamplona, Gen. Nakar, Quezon.
Pinasinayaan ang BAYANIHAN Village sa humigit kumulang isang hektaryang loteng pinahihiram ng Pamahalaang Bayan ng Gen. Nakae, Quezon sa loob ng limang dekada sa bisa ng Usufruct agreement sa pagitan ng dalawang pamahalaang lokal.
Ang naturang pabahay ay proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan at itatayo sa pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya at pribadong indibidwal.
Ayon sa Gobernadora, layunin ng pamahalaan na mapatunayan sa mga kababayang nagbalik-loob na hindi sila nagkamali ng desisyon kung kaya’t siniguro na maibibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga nasabing mamamayan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Naging katuwang sa paglulunsad ng naturang proyekto ang mga opisyales ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Interior and Local Government (DILG), at ang lokal na pamahalaan ng Bayan ng General Nakar.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga naturang kababayan sa pagkakaroon ng pagkakataon na magbago at maranasan ang mga tulong na handang ihatid ng pamahalaan, kabilang ang mga tulong pangkabuhayan, edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Ito ay patunay na ang mga serbisyo at programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ay para sa lahat lalo’t higit sa mga nararapat at higit na nangangailangan.
Kasabay ring naisagawa ang Groundbreaking para sa pagtatayo ng Halfway House Facility (Phase I) at ang paghahatid ng tulong pinansiyal mula sa Department of Interior and Local Government (DILG).