LEGAZPI CITY- Ikinababahala ngayon ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang epekto ng lumalawak na oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Pamalakaya President Fernando ‘Pando’ Hicap sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa sa mga pinagkukunan ng suplay ng isda ang naturang lugar kaya kung mas lalawak pa ang apektado ng oil spill ay posibleng magdulot ito ng kakulangan ng isda sa bansa.
Aniya, posible itong gamiting rason ng ilang mga personalidad upang muling igiit ang pag-aangkat ng isda.
Paliwanag pa nito na ang Mindoro ay isang protected area kaya malaki ang pinsalang maidudulot nito sa yamang dagat ng lugar.
Samantala, nanawagan naman si Hicap na bigyan ng suporta ng pamahalaan an mga mangingisdang apektado ang kabuhayan at papanagutin ang may-ari ng lumubog na motor tanker.
Dagdag pa nito na dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang gagawing rehabilitation sa lugar dulot ng epekto ng oil spill lalo pa at taon aniya ang binibilang bago maka-recover ang mga mangrove at coral reefs.