Iniulat ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa kabuuang P4.5 billion mula sa P11.2 billion ayuda na ang naipamahagi ng gobyerno as of August 16, 2021 sa mga beneficiaries sa National Capital Region (NCR) simula ng isailalim ito sa enhanced community quarantine (ECQ) mula August 6 hanggang August 20, 2021.
Ayon kay Sec Año, mga low-income individuals ang nakinabang sa ayuda na ibinigay ng gobyerno at ipinamahagi ng iba’t ibang LGUs.
Ipinagmamalaki naman ng kalihim na may transparency na ngayon sa pamamahagi ng ayuda dahil nakapaskil na ang mga listahan ng mga benepisaryo sa mga barangay hall, website at official social media platforms para sa kaalaman ng lahat.
Inihayag din nito na nakatanggap din ng dagdag na P368 million pondo ang mga LGUs sa NCR na inapbrubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte batay na rin sa kahilingan ng mga LGUs bilang dagdag na financial assistance.
Batay sa guidelines may 15 araw ang mga LGUs sa NCR para kumpletuhin ang pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga constituents.
Pinuri naman ni Sec Año ang mga local government units dahil sa maayos at systematic na pamamahagi ng ayuda.
Ayon sa kalihim ang mga siyudad ng Caloocan, San Juan, Mandaluyong, Taguig, at Makati ang siyang may pinakamataas na percentage na financial assistance na ipinamahagi.
“We congratulate the NCR LGUs for an orderly and systematic distribution of Ayuda. We are doing distribution everyday. We have not received any report of any untoward incident and our PNP is there to ensure that all minimum health standards are met,” pahayag pa ni Sec.Ano.