Inilunsad na ngayong araw ng Sabado ang bagong aid program ng Marcos administration na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Kung saan nasa P3 billion ang kabuuang tulong pinansiyal na ipapamahagi sa mahigit 1 million benepisyaryo sa loob lang ng isang araw.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez na isa sa proponents o nagsulong ng AKAP sa ilalim ng DSWD na mayroong nakalaang P26.7 billion na pondo sa ilalim ng 2024 national budget para sa cash aid program para sa mahihirap, near poor, minimum wage earners, low-income earners at nasa financial distress.
Sinabi din ng House Speaker na binuo ang naturang programa sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tulungan ang mga kababayang mahihirap na apektado sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin o inflation.
Samantala, isasagawa ang pamamahagi ng ayuda sa 334 na lugar sa buong bansa kung saan mayroong 3,000 benepisyaryo sa bawat lugar. Nasa P3,000 naman ang matatanggap na cash aid payout ng bawat benepisyaryo.
Matatandaan naman na noong Pebrero, naging kontrobersiyal ang AKAP matapos akusahan ni Senator Imee Marcos ang ilang miyembro ng Kamara sa paggamit ng AKAP sa pagkalap umano ng mga lagda para sa people’s initiative para amyendahan ang restrictive economic provisions sa Konstitusyon.