-- Advertisements --

Nais ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makumpleto sa ikatlong linggo ng Pebrero ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP) at ang distribusyon ng cash subsidies sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 Law.

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, ito raw ay batay sa naging konsultasyon ni Social Welfare Sec. Rolando Bautista sa mga regional directors noong Lunes.

Paglalahad ni Dumlao, kasalukuyan silang nagsasagawa ng manual payout sa mga natitirang benepisyaryo ng ikalawang tranche ng SAP 2.

Isinasagawa rin aniya ang manual payout sa CALABARZON, National Capital Region (NCR) at Central Luzon sa pamamagitan ng Special Disbursing Officers (SDO) ng kagawaran.

Sakop ng SAP 2 ang Region 3, maliban sa lalawigan ng Aurora; Metro Manila, Region 4-A; Benguet; Pangasinan; Iloilo; Cebu Province; Bacolod City; Davao City, lalawigan ng Albay province at Zamboanga City.

Sinabi pa ni Dumlao na para sa second tranche, aabot na sa P90.7-bilyong halaga ng emergency cash subsidy ang kanilang naipamahagi sa 14.5-milyong family-beneficiaries.

Habang sa first tranche, naglabas ang ahensya ng halos P99.3-bilyon para sa 17.6-milyong mahihirap na pamilya.