Nagtapos ng matagumpay ang pamamahagi ng educational assistance para sa mga indigent o mahihirap na estugrante sa loob ng anim na Sabado ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nasa kabuuang P1.7 billion ang halaga ng education aid na naibigay sa 713,916 benepisyaryong mag-aaral.
Nang tanungin naman kung papalawigin pa ang pamamahagi ng nasabing assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensiya, sinabi ni DSWD spokesperson Rommel Lopez na sa ngayon ay nagamit na lahat ng nakalaang inisyal na pondo na P1.5 billion gayundin ang idinagdag na pondo.
Nauna ng sinabi ni DSWD Secreatary Erwin Tulfo na kakailanganin ng karagdagang P200 million hanggang P300 million para maipagpatuloy ang naturang educational assistance program para sa mga mahihirap na mag-aaral.
Sa ilalim ng naturang programa, aabot hanggang sa tatlong estudyante sa isang mahirap na pamilya ang maaaring makatanggap ng educational assistance kung saan P1000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa sebnior high school students at P4,000 naman para sa mga mag-aaral sa kolehiyo at kumukuha ng vocational courses.