Umapela ang Department of Transportation (DOTr) ng pag-unawa sa ilang PUV (public utility vehicle) drivers na makakaranas ng delay sa matatanggap na fuel subsidy kasunod ng ilang serye nang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hanggang Marso 25 nila target maibigay sa mga PUV drivers na bahagi ng expanded program para sa fuel subsidy tulad ng mga driver ng taxi, tricycle at delivery riders.
Simula Marso 14 hanggang sa 18 naman ang distribusyon ng naturang ayuda para sa mga driver ng bus at jeepney.
Ayon pa sa kalihim, para sa modern public utility jeepney, sasapat ng 15 araw ang fuel subisidy na ibibigay ng pamahalaan kung ang presyo kahapon, Marso 15, ang pagbabasehan.
Para naman sa traditional public utility jeepney, sinabi ng kalihim na hanggang 18 araw ang itatagal ng P6,500 ayuda na kanilang matatanggap.
Sa kabilang dako, aminado si Tugade na sa oras na magkaroon ng fare hike sa harap ng pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo ay tatamaan ang inflation rate ng bansa.
Nauna nang umapela ang ilang transport groups na payagan na silang ipatupad ang provisional P1 fare increase bukod pa sa apela nilang aabot ng hanggang P5 na umento sa pamasahe.