Sinimulan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga mangingisdang apektado ng oil spill sa Manila Bay.
Ayon sa BFAR, kasabay ito ng patuloy na pagtutok ng ahensiya sa kalagayan ng mga mangingisdang nawalan at nalimitahan sa kanilang pangingisda dahil sa tumagas na langis.
Bawat mangingisda na unang natukoy na apektado ay nakakatanggap ng P3,000 fuel subsidy, maliban pa sa mga natatanggap na relief packs.
Tiniyak naman ng ahensiya na magpapatuloy ito at bibigyan ang mga natukoy na mangingisda upang matulungan silang maitawid ang epekto ng oil spill.
Batay sa talaan ng BFAR, mayroong mahigit 46,000 mangingisda ang nakarehistro sa tatlong rehiyon na naapektuhan at inabot ng tumagas na langis: Central Luzon, NCR, at CALABARZON.
Una nang iniulat ng DA na pinoproseso na nito ang P1 billion na quick response fund (QRF) para matulungan ang mga mangingisda na makarekober mula sa epekto ng tumagas na langis sa kanilang kabuhayan.