-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawamput-pitong (27) mga apektadong micro-rice retailers sa Soccsksargen ang nakatanggap ng P15,000 na cash assistance mula sa halos 150 benepisaryo.

Ito ang inihayag ni Mr. Dennis Domingo, information officer ng Department of Social Welfare and Development Oo DSWD XII sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ang unang grupo ng mga benepisaryo ay nagmula sa probinsiya ng Sultan Kudarat kung saan pinangunahan nina DSWD XII Regional Director Loreto Jr. V. Cabaya, DTI Regional Director Flora D. Politud-Gabunales at Vice Mayor Lina Montilla ng Tacurong City ang pamamahagi ng cash assistance.

Sinabi ni DSWD Regional Director Loreto Jr. V. Cabaya sa mga apektadong micro-rice retailers na nawa’y ang tulong mula sa gobyerno ay maging tulay sa mas magandang kooperasyon sa pagitan ng mga ito at ng pamahalaan.

Samantala, kahapon ay ipinamahagi din ang cash assistance sa mga benepisaryo sa Kidapawan, Cotabato at dito sa lungsod ng Koronadal City para South Cotabato.

Kaninang umaga naman ay naka-schedule ang pamamahagi ng cash assistance sa mga rice retailers sa Alabel, Saranagani at sa General Santos City.

Napag-alaman na ang cash assistance ay isang suporta mula sa DSWD sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program- Economic Relief Subsidy para sa mga micro-rice retailers na naapektuhan ng pagtutupad ng Executive Order No.39 na nagtatakda ng price ceiling sa bentahan ng regular at well-milled na bigas sa palengke.