BAGUIO CITY – Pahirapan pa rin ang pagmamahagi ng mga relief goods sa ibang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Vietnam na naapektuhan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bombo International Correspondent Dahlia Nacor, isang English Teacher sa Vietnam, may mga organisasiyon ng mga Pilipino doon na umaagapay sa mga kapwa Pinoy.
Gayunpaman, sinabi niyang nagiging hamon ang pamamahagi ng tulong sa mga OFWs dahil sa layo ng mga lugar sa Vietnam.
Sinabi niyang mahirap ibiyahe ang mga relief goods dahil magkakalayo ang lugar doon at ang lokasyon ng mga OFWs.
Kaugnay nito ay inihayag ni Nacor na isinasailalim sa repatriation ang mga Pinoy sa Vietnam na nagnanais makauwi dito sa Pilipinas.
Sinabi niyang normal pa naman ang suplay ng mga bilihin doon, maliban lamang sa face mask na nagkakaubusan na.
Batay sa pinakahuling datus, aabot na sa mahigit 260 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Vietnam habang 146 ang mga gumaling at wala pang naitalang nasawi dahil sa naturang sakit.