Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng relief assistance para sa mga sinalantang residente sa Albay, Camarines Sur, Sorsogon, MIMAROPA, Bacolod City at North Cotabato bunsod ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon kay DSWD ASec. Irene Dumlao, nakapag-preposisyon na ang gobyerno ng family food packs sa iba’t ibang mga rehiyon mula sa national stockpile na 2 million FFP packs.
Sa Region 5 pa lamang, nasa 162,000 FFP ang naka-preposition. Maliban sa pagbibigay ng tulong sa evacuation centers, nakadeploy na rin ang mga personnel ng DSWD para mamahagi ng hot meals sa mga stranded na indibidwal sa iba’t ibang pantalan sa Bicol region.
Ayon kay ASec. Dumlao, naglalaman ang ibinibigay na FFP na nagkakahalaga ng P500 hanggang P700 kabilang na ang 6 na kilo ng bigas, mga de lata gaya ng corned beef, meatloaf, tuna flakes at sardinas, mayroon ding mga pakete ng choco malt at mga kape. Magtatagal aniya ang naturang suplay ng 2 hanggang 3 araw para sa pamilyang may 5 miyembro.
Maliban naman sa mga pagkain, mayroon ding emergency cash transfer na maaaring ipamahagi matapos ang inisyal na response operation ng ahensiya.