Ikinatuwa ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na tuluyan nang mapapasailalim sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pamamahala sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11279 kung saan nakasaad ang pormal na paglilipat ng pamamahala ng PNP sa PNPA mula sa dating pamamahala ng Philippine Public Safety College o PPSC.
Ayon kay Albayalde, wala na silang magiging dahilan kapag may nangyari pang pang-aabuso sa loob ng akademya.
Sinabi ni Albayalde, kung magkakaroon man aniya ng mga pasaway na PNPA graduate sa mga susunod na panahon, PNP na ang dapat sisihin.
Una nang inihayag ng pamunuan ng PNP na nais nilang direkta na silang mamahala sa PNPA upang maiba ang training ng mga kadete na malaki aniya ang maitutulong sa kanilang personality development bilang mga susunod na opisyales ng pambansang pulisya, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology o BJMP.