-- Advertisements --

Inalis na umano ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mandato sa pangangasiwa sa maritime training at accreditation mula sa Maritime Industry Authority (Marina).

Ito ay matapos na makailang ulit na nabigo ang bansa na maipasa ang European Maritime Safety Agency’s (Emsa) evaluation sa nakalipas na 16 na taon.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, inatasan ng pangulo ang ibang concerned agencies na bumuo ng isang implementation plan para maiakma ang maritime training industry ng bansa sa international standards kabilang ang Department of Transportation (DOTr), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW) at Commission on Higher Education (CHEd) para makapasa ang maritime training at accreditation system ng bansa sa European Union evaluation.

Tinitignan na aniya kung ano ang puno’t dulo ng kabiguan na makapasa sa Emsa audit at kanila itong tutugunan.

Una rito, aabot sa 50,000 Filipino seafarers na nagtratrabaho sa European vessels ang napaulat na nanganganib na mawalan ng trabaho dahil nagbigay ng ultimatum hanggang ngayong buwan na lamang para makapag-comply ang bansa sa mga concerns na idinulog ng Emsa dahil kung hindi ay nangangambang pagbawalan o i-ban ang deployment ng mga Filipino seaferers sa Europe.

Ang Pilipinas nga ang siyang top source ng mga certified seafarers sa buong mundo at ang mga Filipino maritime workers ay nagpapadala ng nasa P376 billion remittances kada taon.