-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hinigpitan pa ng mga otoridad ang paghahanap sa responsable sa nangyaring pamamaril kay Datu Piang, Maguindanao Vice Mayor Mohammad Omar Samama nitong Lunes, habang nagtatalumpati sa isang outreach program sa Barangay Magaslong, Datu Piang, Maguindanao Del Sur

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Roden Orbon ang spokesperson ng 6ID Philippine Army, bagamat nasa ligtas nang kalagayan ang bise alkalde, patuloy pa rin siyang inoobserbahan ng mga doktor.

Samantala, malaki naman ang paniniwala ng mga otoridad sa posibilidad na “politically motivated” ang motibo sa pamamaril kay Samama dahil isa itong “re-electionist” sa darating na eleksiyon.

Sa ngayon, nanawagan naman si Samama sa kanilang mga tagasuporta na manatiling kalmado at ipaubaya ang imbestigasyon sa mga awtoridad upang maiwasan ang anumang gulo o iba pang maaaring madamay sa insidente.

Patuloy ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng krimen.

Tiniyak din ni Orbon na kasama nila ang Philippine National Police sa paghahanap sa suspek at pagbabantay upang hindi na maulit pa ang kaparehong pangyaari lalong lalo n’at nalalapit na ang midterm elections.