-- Advertisements --

Nagkasa na ng sariling imbestigasyon ang Philippine National Police sa insidente ng pananambang sa sasakyan ni Bureau of Corrections chief Gregorio Catapang.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Manila Police District sa BuCor at Skyway management ukol dito.

Sa ngayon ay humingi na rin aniya ang mga imbestigador ng kopya ng CCTV footage ng naturang insidente mula sa Skyway management para makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspek na nagpaulan Bala sa sasakyan ni Catapang.

Kung maalala, hindi si Catapang kundi si BuCor deputy chief Al Perreras ang lulan ng naturang sasakyan habang minamaneho ito ni Corrections Officer 1 Cornelio Colalong nang atakihin ng gunmen sa Skyway.

Wala namang nasaktan sa naturang insidente ngunit una nang sinabi ni Catapang na dati n silang nakatatanggap ni Perreras ng mga death threats mula nang ipatupad nila ang iba’t ibang reporma sa BuCor.

Sa kabila nito, sinabi ng BuCor na ang insidente ay hindi makakapigil sa mga opisyal na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap.