GENERAL SANTOS CITY – Nahaharap ngayon sa kasong grave threat ang isang aktibong pulis matapos manutok ng baril sa isang Purok Chairman at kanyang pamilya sa Purok 4, Lanton, Barangay Apopong nitong lungsod.
Kinilala ang pulis na si PMSg Steve Piansay Francisco, 43 yrs. old na nadestino sa Pigcawayan Municipal Police Station.
Sa salaysay ng Purok Chaiman na si Arnel Pacquiao, nakita nilang natumba sa minanehong motorsiklo ang pulis kasama ang backride nito na si alyas “Allan” dahil sa kalasingan.
Kaagad naman nitong pinuntahan para tulungan sana.
Ngunit laking gulat na lamang ni Arnel ng biglang nagalit ang pulis at bumunot ng baril at itinutok sa kanya.
Saksi rin sa pangyayari ang kanyang pamilya na kinabibilangan pa ng kanyang mga menor de adad na anak.
Kaagad naman itong nirespondihan ng mga personahe mula sa Makar Police Station at narekober din sa posisyon ng pulis ang 9mm pistol na may isang magazine at may 10 live ammunitions na siyang ginamit umano sa panunutok.
Sa ngayon naisampa na ang kasong grave threat laban sa nasabing pulis.
Ayon din kay PCapt. Joseph Letigio, Deputy Chief ng Makar Police Station, hindi nila kukonsintihin ang ganitong asal ng kanilang mga kabaro.
Napag-alaman na nasa Gensan si PMSg Francisco dahil nakilahok sa physical fitness test sa Police Regional Office 12.
Pagkatapos ng nasabing aktibidad, nakipag-inuman ito kasabay ang iba pang kasamahan na nagresulta sa naturang insidente.
Napag-alaman na pamangkin ni Ex-Sen. Manny Pacquiao ang nasabing Purok chairman na tinutukan ng baril ng nasabing pulis.