-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Naghiyawan sa saya ang mga Caraganons lalo na ang taga-Bayugan City sa Agusan del Sur matapos masungkit ni Nycee Lampad ang Miss Philippines Earth Eco-Tourism 2022 crown sa coronation day na isinagawa sa Coron, Palawan sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Sa nasabing pageant, nakuha ng pambato ng Tarlac na si Jenny Ramp ang Miss Philippines Earth 2022 crown matapos niyang matalo ang 40 mga kandidatang nagnanais ding makuha ang titulong nag-highlight sa mga adbokasiya para sa proteksyon ng ating daigdig.

Ang Miss Philippines Air 2022 crown ay nakuha ni Jimema Tempra sa bayan ng Jasaan, Misamis Oriental, habang si Angel Santos ng Trece Martires City ng Cavite naman ang nanalo bilang isip Miss Philippines Water 2022.

Samantala ang pambato naman ng Legazpi City na si Eryka Vina Talavera Tan ay syang napiling Miss Philippines Fire 2022.

Sinundan ni Ramp si Naelah Alshorbaji na nagtapos lang sa Top 8 ng Miss Earth 2021.

Matatandaang napuno ng kontrobersiya ang pageant ngayong taon matapos i-disqualify ang iilang mga bets sa kalagitnaan ng kompetisyon dahil sa kulang umano ang kanilang height.

Kasama na dito ang pambato ng Siargao Island sa Surigao del Norte na si designer Angela Okol, ang singer-model na si Cess Cruz ng Antipolo at ang modelo na si Renee Coleen Sta. Teresa ng Batangas.