-- Advertisements --

Kinoronahan bilang Miss World Philippines 2024 ang pambato ng Baguio City na si Krishnah Marie Gravidez.

Nangibabaw si Gravidez sa 32 mga kandidata sa coronation night na ginanap sa Mall of Asia Arena nitong Biyernes ng gabi.

Bukod sa nasabing titulo ay nakuha rin nito ang Best in Evening Gown, Best in Swimsuit, Miss Skin by Cathy Valencia, Miss Photogenic, Miss Hello Glow, Miss Procap at Miss Dr. Leo awards.

Nakuha naman ni Jasmine Omay ng Tarlac ang Miss World Philippines 2024 1st Princess title; habang Miss World Philippines 2024 2nd Princess si Sophia Bianca Santos ng Pampanga.

Tinanghal naman si Dia Maté ng Cavite bilang Miss Reina Hispanoamericana Filipinas 2024 habang Miss Philippines Tourism 2024 ang pambato ng Batangas na si Patricia Bianca Tapia.

Nakuha naman ni Nikki Buenafe ng lalawigan ng Pangasinan ang Miss Multinational Philippines 2024 title at Face of Beauty Philippines 2024 si Jeanne Isabelle Bilasano ng Bicol Region.

Naging host naman ng coronation night si Billy Crawford kasama sina Universal Woman 2024 Maria Gigante, , Teejay Marquez at Reina Hispanoamericana Filipinas 2021 Emmanuelle Vera.

Iginawad ng kasalukuyang Miss World Krystyna Pyszková ng Czechia ang koronang Rays of Hope kay Krishnah habang si Miss World Philippines 2022/2023 Gwendolyne Fourniol ay ipinasa ang sash.