-- Advertisements --

Isang araw na lamang bago ang coronation night ng Miss World 2021, bakas ang pagiging “in good spirits” ng pambato ng Pilipinas na si Tracy Maureen Perez.

Nagpahiwatig din ang 28-year-old Cebuana model/industrial engineer na handa siya “win or lose” kasabay ng pasasalamat sa lahat ng mga nagdarasal para sa kanyang kapalaran.

“The @missworld coronation night in less than 2 days now!! I will say this again and again but thank you so much to every single one of you who took the time, effort, and heart to support me in this journey no matter what. For those who continue to love me, believe in me, and wish the best for me, you guys are rare gems!” wika nito.

Sa pagsabak niya sa closed door interview, isinuot nito ang kulay berde na modern Filipiniana.

Nabatid na mula sa 97 Miss World candidates sa nakanselang coronation noong nakaraang taon dahil sa pandemya, 40 na lamang sa mga ito ang nagpatuloy pa sa kompetisyon kabilang ang Pilipinas.

Ilan pa rito ang Argentina, Bahamas, Brazil, Canada, Chile, China, Colombia, Czech Republic, Dominican Republic, Ecuador, France, Guinea, Hungary, Iceland, Indonesia, Ireland, Madagascar, Malaysia, Northern Ireland, Poland, Puerto Rico, Somalia, Sri Lanka, Trinidad and Tobago, at Vietnam.

Kabilang si Tracy sa anim na nagwagi sa flagship project ng Miss World na “Beauty With a Purpose;” gayundin sa knockout stage ng “Head-to-Head” challenge kasama ang pitong kapwa kandidata.

Bukas ng umaga (Manila time) o gabi naman sa Puerto Rico, ipapasa na ng Miss Jamaica ang Miss World crown na tatangkaing masungkit ni Tracy para sa pangalawang Miss World title sa Pilipinas, sunod kay Megan Young noon pang 2013.