Patuloy na lumalaban si Miss Earth Philippines Yllana Aduana para masungkit ang korona, matapos siyang sumampa sa ikalawang puwesto sa rankings ng “Miss People’s Choice” award ng Miss Earth 2023.
Ang mananalo sa naturang pre-pageant competition ay makakapagkamit ng tiyak na puwesto sa semi-finals sa coronation night ng Miss Earth 2023.
Umangat si Yllana sa pangalawang puwesto mula sa ika-limang puwesto para sa “People’s Choice Awards” base sa huling update ng Miss Earth official social media page.
Kasalukuyang nangunguna ang pambato ng Paraguay, habang nasa ikatlo hanggang ika-limang puwesto ang mga kandidata mula U.S. Virgin Islands, Belgium, at Venezuela.
Magsasara ang botohan bukas ng 6:00 PM (GMT+7).
Kamakailan lamang, ay nagwagi si Yllana sa “Best Bikini” round ng naturang pageant.
86 na kandidata ang maglalaban-laban para sa korona ng Miss Earth 2023, na gaganapin sa Van Phuc City, Ho Chi Minh, Vietnam sa December 22, 7:00 PM (GMT+7).
Kokoronahan ni reigning Miss Earth 2022 Mina Sue Choi ng South Korea ang mananalong kandidata ngayong taon.
Kung babalikan, apat na beses nang nakamit ng Pilipinas ang korona ng Miss Earth. Nasungkit ni Miss Earth 2008 Karla Henry ang unang panalo ng bansa; sumunod naman ang back-to-back title holders na sina Jaime Herell (2014) at Angelia Ong (2015); habang si Karen Ibasco naman ang nakapag-uwi ng huling titulo noong 2017.