-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hindi inasahan ng pambato ng lalawigan ng Quirino sa Miss Universe Philippines 2021 na makakapasok siya sa top 100.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Binibining Xyrille Caluya, 20 anyos at tubong probinsya ng Quirino, hindi niya inakala na makakasama siya sa top 100 dahil kulang siya sa height requirement.

Aniya, 5’3” lamang ang kanyang taas kaya nagdalawang isip siyang sumali pero nang mapag-alamang walang height requirement ngayong taon sa Miss Universe Philippines ay sinubukan niyang magpasa ng form at nakuha naman siya.

Ayon sa kanya, ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon sa larangang ito ay ang kanyang pamilya dahil bata pa lamang siya ay lagi na siyang pinaglalaro ng kanyang ama na parang nakikipag-pageant.

Gayunman ay nagsimula lamang ang kanyang pagkahilig sa patimpalak pagandahan noong siya ay labimpitong taong gulang at nangarap na makasali sa national pageant.

Pangunahin namang natuwa nang mapakapasok siya sa top 100 ay ang kanyang ama kahit pa inilihim niya nang magpasa siya ng form sa Miss Universe Philippines.

Inamin naman niya na noong nakaraang taon ay binalak niyang huminto sa pageant dahil sa height requirement pero nagpatuloy pa rin siya at naging inspirasyon niya si 2010 4th Runner Up Miss Universe Venus Raj na hindi tumigil at ipinakita rin na hindi imposibleng makapasok sa mga finalist.

Sa ngayon ay marami na siyang natatanggap na suporta kaya inihahanda na niya ang kanyang sarili pangunahin na physically at mentally para maging maganda ang kalabasan at maging magandang inspirasyon siya ng mga taga-Quirino.

Ang adbokasiya naman niya ngayon ay may kaugnayan sa kanyang kurso na Bachelor of Science in Biology.

Ayon pa kay Binibining Caluya, ang Miss Universe Philippines pa lamang ang pinakamalaking pageant na kanyang sinalihan.

Mensahe naman niya sa mga kababaihan na maging totoo lamang sa kanilang sarili dahil ito rin ang magbibigay ng inspirasyon sa ibang tao.