Maaaring masilayan ng mga Pilipino ang pambihirang “planet parade” o hilira ng mga planeta na nagsimula kahapon, Pebrero 21 at magtatagal hanggang sa Pebrero 28.
Ayon sa state weather bureau, maaaring makita ng naked eye o mata lamang kahit walang telescopes ang mga planetang Venus, Jupiter at Mars kahit bago pa man mangyari ang alignment ng mga ito.
Habang ang Saturn at Mercury naman ay maaaring mas mahirap na makita ang mga ito dahil sa kanilang mga posisyon.
Kakailanganin namang gumamit ng high-power equipments para malinaw na masilayan ang mga planetang Neptune at Uranus.
Matatandaan na nangyari na rin ang parehong phenomenon noong Hulyo ng taong 2022 at muling mangyayari sa Agosto ng kasalukuyang taon subalit 6 na planeta lamang ang maaaring masilayan kabilang ang Mercury, Venus, Jupiter, Saturn, Uranus at Neptune.
Nangyayari ang phenomenon na ito dahil sa orbital positions ng mga planeta sa palibot ng araw na nagreresulta ng visual grouping. Subalit hindi perpektong diretsong linya ang posisyon ng mga ito sa halip, ilang mga planeta ang lumilitaw na malapit sa isa’t isa sa kalangitan base sa perspektibo o nakikita mula sa Earth.