-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kung hindi namatay si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan ay posible umanong hindi pa nahinto ang pamomomba na posibleng umabot pa hanggang Manila.

Ito ang sinabi ni PCol. Bernard Tabawan, deputy regional director for administration ng Police Regional Office (PRO)-12 na hindi nasayang ang buhay ng “SAF-44” sa pamumuno ni Maj. Ryan Pabalinas para makuha lamang ang international bombmaker.

Dagdag ni Tabawan sa paggunita ng ikalimang taon ng madugong masaker, naniniwala itong nagbigay ng paghihirap ang naturang insidente sa mga pamilya ng mga pulis na kasapo ng Special Action Force (SAF) sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Para sa kanya, masakit ang pagkawala ng mga kasamahan subalit maiiwan aniya ang ipinakitang katapangan hindi lang sa pulisya kundi pati na sa buong sambayanan.

Pinadala si Tabawan para humalili kay BGen. Alfred Corpuz, regional director ng PRO-12 para magbigay-pugay sa monumento ng SAF-44 na nasa loob ng Camp Fermin Lera sa General Santos City.