-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa na ang pambubugbog na ginagawa ng mga lowerclassmen sa anim na bagong graduates na upperclassmen ng PNPA (Philippine National Police Academy) ay dati nang tradisyon.

Paliwanag ng PNP chief, pagkakataon ito ng mga nakababatang kadete na gumanti sa pagpapahirap sa kanila ng mga upperclassmen.

Pero ayon kay Dela Rosa, sa kaniyang pagkakaalam ay matagal na itong naipatigil.

Sa Philippine Military Academy (PNPA) aniya, ang tradisyong ito ay tinatawag na “dunking” kung saan itinatapon ng mga batang kadete ang kanilang mga nag-graduate na upperclassmen sa fountain, pagkatapos silang “patayin sa kiliti.”

Sinabi ni Dela Rosa, kung naging dating tradisyon ang pambubugbog sa mga bagong graduates ng PNPA, hindi ito pinapaboran ng PNP dahil nagreresulta ito sa “culture of violence” kung saan gantihan na lang ang nangyayari.

Paglilinaw naman ni PNP chief, hindi sakop ng PNP ang PNPA dahil ang Philippine Public Safety Colleges ang nagpapalakad dito.

Giit ni Dela Rosa, kung talagang naibalik ang tradisyong ito sa PNPA, kailangang ipatigil muli ito.

Ayon kay Dela Rosa, naaalarma siya sa nangyari lalo’t may ilan nang naitala noon na nasusugatan bunsod ng tradisyon.

Samantala, hindi umano mapipigilan ng PNP chief ang mga magulang ng biktima na magsampa ng kaso.

Nabatid na nangyari ang insidente, ilang oras lamang matapos na magsalita si Pangulong Rodrigo Duterte na nagsilbi bilang pangunahing pandangal sa graduation ceremony noong March 21.

Sinasabing ang dalawang sa anim na binugbog ay itutuloy ang paghahain ng kaso.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng National Police Commission (NAPOLCOM) na mananagot ang mga kadete na sangkot sa panggugulpi sa anim na bagong tinyete ng PNP.

Sinabi ni NAPOLCOM vice chairman Atty. Rogelio Casurao, may sarili silang imbestigasyon na gagawin kaugnay sa nasabing kaso dahil kailangan may managot sa insidente.

Inihayag ni Casura na walang puwang sa academy ang mga ganitong uri ng kadete.

Ang naging aksyon ng mga kadete ay patunay na walang respeto ang mga ito sa kanilang upperclassmen.

Giit pa ng opisyal, dapat ay madismis ang mga ito sa akademya sakaling mapatunayang totoo ang alegasyon na pambubugbog sa ilang graduates ng Maragtas Class of 2018.