BAGUIO CITY – Pinilahan ng mga Abrenio ang ibat-ibang establisimiento sa bayan ng Bangued, lalawigan ang Abra sa unang araw ng pagpapatupad ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) doon.
Isa sa mga pinilahan ng mga residente ay ang mga pamilihan ng alak.
Nakasaad sa executive order na pinirmahan ni Abra Governor Joy Bernos na regulated ang pagbebenta doon ng alak.
Pinapayagan din ang pag-inom ng alak bagaman dapat sa loob lamang ng kanilang mga tahanan.
Maaalalang noong nakaraang buwan ay tatlong indibidual ang naaresto dahil sa tangka nilang pagpuslit ng kahong kahong alak patungo ng Abra kung saan itinago ang mga karton sa isang container van at sa isang ambulansiya.
Batay sa kautusan, pwede nang lumabas ang lahat ng mga residente doon kahit wala silang quarantine pass bagaman dapat pa ring obserbahan ang physical distancing at paggamit ng facemask.
Pinapayagan din ang angkas sa mga motorsiklo at ang pagbubukas ng mga opisina at mga pamilihan, kasama ang mga restaurants habang inalis na rin ang mga municipal at barangay checkpoints bagaman mananatili ang provincial checkpoints na papasok ng Abra.