-- Advertisements --

CEBU CITY – Hindi pa rin makapaniwala hanggang ngayon ang pamilya ng 17-anyos na itinuturong suspek sa pagpatay sa Grade 9 student na si Christine Lee Silawan.

Ito ay matapos na mahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) si alyas Jun sa bisa ng warrant of arrest basi sa mga nakalap na ebidensya mula sa private messages at CCTV footage kung saan huling nakitang buhay si Silawan

Sa panayam ng Bombo Radyo sa kapatid ni alyas Jun, sinabi nito na hindi umano kayang gawin ng kapatid ang naturang krimen.

Nilinaw din ng kapatid ng suspek na nasa bahay lang si alyas Jun noong Linggo ng gabi, na syang oras kung kailan pinatay si Christine.

Samantala, hindi rin makapaniwala ang mga kaibigan ni alyas Jun sa sinapit nito.

Ayon sa mga kaibigan, mabait naman daw si “Jun” at hindi ito nagbibisyo o nakikipag-away sa kahit sino.

Samantala, kinumpirma naman ni NBI-7 asst. regional director Atty. Dominador Cimafranca na nag-aaral sa iisang paaralan sina Silawan at ang menor-de-edad na suspek.

Isasailalim naman sa DNA testing ang dugo na nakita umano sa t-shirt ng suspek upang alamin kung mag match ito kay Christine Lee.