-- Advertisements --

Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya at mga taga suporta ng barangay captain na nasawi matapos ang ikinasang firearms buy-bust operation ng pamunuan ng Criminal Investigation and Detection Group noong Hunyo 22.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Billy Jack “Tak-tak” Ogca, kapitan ng Barangay Poblacion sa bayan ng BALABAGAN, Lanao del Sur.

Nagtipon tipon naman ang mga residente at nangalampag upang ipakita ang pagkadismaya nito sa pagkamatay ng kanilang leader.

Ayon kay Vice Mayor Edna Orga Benito, walang anumang armas ang kapitan at lalong hindi ito nanlaban sa mga operatiba.

Buhay din sana aniya ang kapitan kung dinala kaagad ito sa ospital para malapatan ng lunas.

Samantala, ikinalungkot naman ng CIDG na pinangungunahan ni Police Major General Leo Francisco ang pahayag ni VM Benito.

Tiniyak ni Francisco kay Benito na patas at makatarungang imbestigasyon hinggil sa naturang operasyon.

Narekober sa operasyon ang isang Toyota pickup truck, tatlong M16 rifle, kalibre 7.62, isang kalibre .45 pistol, mga magazine, at mga bala.