BUTUAN CITY – Muling magkakaharap sa lalawigan ng Surigao del Norte ang political rival na mga pamilya Matugas at Barbers para sa May 2022 local elections.
Ito’y matapos makapag-file na ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) sa huling araw ang kampo ng mga Barbers matapos namang unang nakapag-file ang kampo ng mga Matugas kasama ang kani-kanilang mga kandidato sa municipal, district at provincial levels para sa iba’t ibang elective posts sa naturang province.
Nitong nakaraang araw, naka-file na sa kanyang CoC para sa pangalawang termino bilang gobernador ng probinsya si incumbent Gov. Francisco “Lalo” Matugas na tatakbo sa ilalim ng Padajon Surigao Party na affiliated sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) kung saan kasama niya sa pag-file ng COC si incumbent Vice Gov. Eddie Gokiangkee at mga kandidato bilang board members ng dalawang distrito sa Surigao del Norte.
Samantala nitong Biyernes ay naka-file na rin ng kanyang CoC si Rito Cubillas bilang kongresista sa unang distrito ng lalawigan sa panig naman ng mga Barbers ilalim sa Nacionalista Party kung saan kanyang makakaharap si incumbent Congressman Bingo Matugas.
Habang kakalabanin si Gov Francisco Matugas ni dating Gov. Lyndon Barbers, ang nakakatandang kapatid ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ilalim sa local group na Abante Surigao at ng Nacionalista Party.
Makakalaban naman ni Rep. Ace Barbers, para sa kanyang ikatlong termino sa Congress si Atty. Fernando Larong, sa ilalim ng Matugas ticket.
Samantala sa Surigao City naman, ang mga incumbent officials naman na mag-amang sina Mayor Ernesto Matugas Jr. ay kakaharapin ni Paul Dumlao at ang kanyang amang si Ernesto Matugas Sr ay kakaharapin naman ni dating Surigao City Mayor Alfonso Casurra.