LEGAZPI CITY- Ikinatuwa ng pamilya ng pinaslang na si dating Ako Bicol (AKB) partylist representative Rodel Batocabe ang naging desisyon ng Court of Appeals na kumukwestiyon sa pagpayag ng Regional Trial Court of Legazpi City, Branch 10 na makapagpiyansa at makalaya si Daraga Mayor Carlwyn Baldo na siyang itinuturong mastermind sa kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Justin Batocabe, anak ng pinaslang na kongresista, patotoo lang ang desisyon ng Court of Appeals na mali ang nauna ng desisyon sa pag-grant ng bail kay Baldo.
Sa desisyon ng Court of Appeals nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang presiding judge ng korte ng dalawa lamang sa limang testigo ang pinakinggan sa korte.
Inutosan rin nito ang Regional Trial Court na ipagpatuloy ang pagdinig sa petisyon para sa bail at ikonsidera ang mga iprenesentang ebidensya ng prosecution.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng Pamilya Batocabe ang pagfile ng motion to lift bail.
Nabatid na nahaharap si Baldo sa mga kasong double murder at six counts ng frustrated murder na nakapag-piyansa ng aabot sa P8.72 million.
Disyembre ng taong 2018 naman ng mapaslang si Batocabe at ang security aide nito na si SPO2 Orlando Diaz ng paulanan ng bala matapos mamigay ng mga regalo sa Burgos Elementary School ng Daraga, Albay.