LEGAZPI CITY – Muling magtatapat ang pamilya Cam at Yuson para sa 2022 local elections sa bayan ng Batuan, Masbate sa Ticao Island.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Batuan election officer Adlaine Rosero, nakapaghain na ng kaniyang certificate of candidacy (CoC) para sa reelection bid si incumbent Mayor Charmax Jan Yuson habang matunog na makaka-tandem nito sa pagka-bise ang ina at biyuda na si Lalaine Yuson.
Makakatunggali naman ng mga Yuson ang magkapatid na Marco Martin at Paulo Cam bilang alkalde at bise alkalde, mga anak ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam.
Maalalang matagal na ang banggaan ng dalawang angkan sa pulitika kaya’t inaasahan ang mainit na labanan sa naturang bayan.
Kung babalikan taong 2019 nang tumakbo at magtagumpay ang mag-amang Charmax Jan at Charlie o mas kilala sa tawag na Bodgie bilang mayor at vice mayor matapos makatapat ang anak ni Sandra Cam na si Macmac at Remegio Cebu, Jr.
Subalit noong Oktubre 2019 nang pagbabarilin-patay sa Sampaloc, Maynila si acting Mayor Bodgie habang nag-aalmusal.
Isinisisi naman ang nangyari sa pamilya ni Sandra Cam, hanggang sa kasuhan ito ng murder at frustrated murder charges.
Noong Abril naman ng kasalukuyang taon, binabaan ng mandamiento de aresto si Sandra, anak na si Marco Martin at limang iba pa na idinawit sa krimen.
Samantala, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ang mahigpit na koordinasyon sa kapulisan kaugnay ng papalapit na halalan lalo pa’t isa umano ang bayan sa mga maituturing na election hotspot dahil sa mga naitatalang karahasan tuwing election period.