CEBU CITY – Tila nabunutan umano ng tinik si Mrs. Thelma Chiong sa pag-surrender ni Josman Aznar, ang isa pa sa akusado sa pag-rape at pagpatay sa kanyang dalawang anak na nakalaya dahil sa GCTA law.
Una na kasing sumurender ang iba pang tatlong sa binansagang “Chiong-7” na nakalaya.
Pero ang pagsuko ng apat na convicts ay nang magbigay ng 15 days ultimatum si Presidente Rodrigo Duterte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mrs. Chiong, sinabi nito na labis ang kanyang kaligayahan dahil sa wakas sumurender na rin si Aznar.
Aniya, kampante naman siyang susuko si Aznar dahil una na itong nagpaabot ng mensahe na susuko nga ito.
Ayon pa kay Chiong, sinulit lang umano ni Aznar ang 15 days.
Duda rin ito na umuwi ng Cebu si Aznar at mabuti na lamang umano’t hindi sila nagkasalubong.
Masaya na rin daw Chiong dahil una na siyang pinangakuan ni PRO-7 director Brig. Gen Debold Sinas na tutulong sila kung hindi susuko si Aznar.
Samantala umaasa naman si Chiong na may mabuting magagawa para sa Bureau of Corrections (BuCor) ang bagong chief nito na si former Manila City Jail Warden Gerald Bantag.
Sinabi pa ni Chiong na gusto niya si Bantag dahil may experience at dapat ito bigyan ng “chance.”
Hindi umano katulad ni dating BuCor chief Nicanor Faeldon na “walang experience.”