-- Advertisements --
image 57

Ikinatuwa ng pamilya Degamo at iba pang mga naulilang kaanak ng mga biktimang nadamay lamang sa insidente ng pamamaril kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo ang mga bagong mahahalagang development ngayon na nakalap ng Special Task Force Degamo kaugnay sa nasabing krimen.

Ito ay matapos na ianunsyo ng STF Degamo ang pagkakaaresto ni Marvin Halaman Miranda na isa sa mga pinaghihinalaang mastermind sa pamamaslang kay Degamo, kasunod ng mga rebelasyong nagdidiin kay Negros Oriental 3rd district representative Arnolfo Teves Jr. bilang utak din sa naturang pamamaslang.

Sa ginanap na pulong balitaan ay ipinaabot ni Atty. Levito Baligod, ang abogado ng pamilya Degamo ang lubos na pasasalamat nito sa lahat ng ahensya ng pamahalaan nagtutulong-tulong ara sa pagresolba ng kasong ito.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ni STF Degamo chairperson at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na gagawin nila ang lahat upang kamtin ang hustisya hindi lamang para sa biktima ng Degamo assassination kundi pati na rin para sa mga biktima ng insidente ng pamamaslang sa Negros Oriental, kasabay ng pangako nito na handa ang pamahalaan na proteksyunan ang taumbayan mula sa ganitong uri ng karahasanan.

Samantala, kumpiyansa naman ang binuong STF Degamo na gugulong na sa korte ang mga kasong kanilang ikinakasa laban sa mga suspect at utak sa likod ng nasabing krimen sa lalong madaling panahon batay sa mga matitibay na ebidensyang kanilang nakalap hinggil sa kasong pamamaslang kay Degamo.

Ngunit sa kabila nito ay binigyang-diin ni Abalos na kailangan nilang maging maingat sa kanilang mga hakbang upang ito ay maging matagumpay para sa tuluyang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa nasabing karumaldumal na pamamaslang.